Minsan isang araw ng Linggo, nagpunta ako sa Mercury Drug kasama ang isang kaibigan. Malakas ang ulan at kinailangan kong magsuot ng kapote. Nakasakay kami sa motorsiklo.
Pagdating sa drugstore, naka-hakbang na ako sa loob na suot ang kapote nang biglang hiniyawan ako ng guwardiya, “HOY! Ano ba yan? Nababasa ang sahig o!”
Nagulat ako at siyempre napahiya ng konti. Okay, I mean marami. Maraming pagkapahiya.
Akala kasi namin ng kaibigan ko, pwede nang hindi namin hubarin ang kapote dahil sandali lang naman kami doon sa loob. Isa pa, ineexpect namin na handa sila sa mga papasok na mga taong galing sa ulan. Maghapon nang umuulan noon.
Hindi kasi ordinaryong kapote ang suot ko. Mahirap alisin dahil parang jeans at shirt ang style nya at todo-butones. Malaki pa sya sa akin. Pangsagupa talaga sa ulan. Ubos-oras ang pagtatanggal. Baka nga mas matagal pa akong naghubad nang kapote kaysa bumili ng mga dapat bilhin. Pero dahil napagalitan ako, syempre lumabas nalang ako ulit.
Nang tanggalin ko ang kapote, sabi ng kaibigan ko, “Hindi ka kasi mukhang kagalang-galang dyan, ate. Nasigawan ka tuloy.”
“Ah ganun ba?” ang sagot ko. Natawa lang ako. Akala siguro ni Manong Guard lalaki ako. Nakatago kasi ang buhok ko at may nakasukbit na helmet sa siko. Para akong construction worker. At para akong basang sisiw na construction worker. Very unglamorous. Tsk tsk tsk. Wag lang mabasa nang ulan.
Oo nga ano? Napaisip tuloy ako. Kapag naka-office attire ako, kahit saang establishment ako pumunta, aba napakagagalang ng mga guwardiya! Hindi nila ako hino-HOY!
Hmmm. Nasa damit ba talaga ‘yon?
Pagpasok ko ulit sa loob, hindi yata ako nakilala ng guwardiya dahil naka-smile na sya. Mukhang girl na kasi ako. Di ko sya pinansin dahil medyo masama pa ang loob ko sa pagkakasigaw nya sa akin. Hmpf, napahiya talaga ako!
WOW!
Paglabas namin sa Mercury, maraming mga batang lansangan na nakasilong. Sa lugar kung saan kami nag-park ng motorsiklo, may isang lumang payphone booth na mayro’ng teleponong sira.
Naaalala ko tuloy noong nasa elementary palang ako at bagong lipat kami sa Bulacan, madalas kami ni Mama sa phone booth na iyon. Tumatawag kami kay Papa sa office nya at kina Mama Fina at Father sa Loyola… hmmm.
Naputol ang pagre-reminisce ko dahil biglang sumigaw yung isang batang lansangan.
“WOW!”, sabi niya. Seven years old siguro sya.
Nakita ko syang nakatayo sa harap ng phone booth at nakatingin sa teleponong sira. Tinawag nya ang isa pang batang ka-edad din nya halos. Sabi niya, “Tignan mo o, may telepono pa tayo dito!”, sabay hagikhik. Doon kasi sila magpapalipas ng gabi sa gilid ng phone booth.
Lumapit naman ang isa at sabay silang namangha sa sirang telepono.
Kanina lang magkaaway ang dalawang batang iyon. Pinag-awayan nila ang piso. Matinding away. Parang wala nang bukas. Pero nang oras na iyon, tuwang-tuwa silang nilapitan ang telepono at naglaro. Parang walang nangyari. Tulad ng title ng paborito kong awit, “Like It Never Happened”.
Para sa kanila, playground lang ang buong paligid…kahit wala silang matinong damit na maisuot at kahit nag-aagawan sila sa barya. Hindi pa kasi nila naiintindihan na komplikado ang buhay… lalo na ang buhay nila.
MASAYA
Napakasarap maging bata. Sabi nga ng pinsan kong junior pastor noong huling beses siyang magturo sa pulpito, sa mga bata daw ay hindi mahalaga kung sino ang tama at mali.
Mas mahalaga sa mga bata ang maging masaya at payapa habang naglalaro. Kaya nga daw kapag nag-away sila, maya-maya lang ay magkakabati na rin.
Hindi na nila binabalikan pa kung sino ang nagkamali at kung ano ang nagawang mali ng isa laban sa kapwa niya bata. Kaya din siguro sinabi ni Jesus na “the Kingdom of Heaven belongs to such as these” (Matthew 9:14). Nakakamangha sila.
PAGPAPATAWAD
Ang buhay ay tungkol sa pagpapatawad.
Hindi naman siguro maganda kung lahat ng tao mananatiling bata. Pangit din kung isip-bata. Pero kung lahat siguro magagawang maging mapagpatawad tulad nila, yehey! Napakasaya!
Hindi nalang kasi barya-barya ang pwedeng pag-awayan at pagkasakitan ng mga tao. Mas matinding away. Higit pa minsan sa basagan ng mukha. Ang matindi don, yung durugan ng puso…at lamang-loob.
Madalas, tayong mga nakakatanda, hindi na nating naa-appreciate ang mga masasayang bagay na nasa paligid natin, tulad nalang halimbawa ng isang sirang telepono na pwedeng maging dahilan ng lubus-lubos na kasiyahan.
Dahil mas mahalagang ipaalam natin sa ating kapwa na tayo ang mas tama at mali ang ginawa nila sa nakaraan, natatabunan na kahit ang mga mabubuting bagay na ginagawa na nila para sa atin sa kasalukuyan.
Kailan kaya mas magiging mahalaga para sa atin ang maging masaya at payapa kaysa sa pagiging laging tama?
Madalas, kaya naman nating maging masaya at payapa pero sa isang iglap, gumagawa tayo ng ikasisira ng ating kapayapaan at kasiyahan… dahil lang gusto nating iparating na TAYO ANG TAMA at MALI SILA!
Mahirap magpatawad.
Pangarap kong maging mapagpatawad. Ang sabi sa Ephesians 4:32, “Be kind and compassionate to one another, forgiving each other, just as in Christ God forgave you.”
Mahirap talaga pero sinusubukan ko naman. Iniisip ko nalang na LAHAT TAYO NAGKAKAMALI. Maliit man o grabeng pagkakamali iyon, palaging may space para sa pagbabago… at pagpapatawad.
PLAYGROUND
Madalas napapabalik-tanaw ako kung gaano ka-simple ang buhay noong mas bata pa ako. Marami akong hindi naiintindihan pero okay lang naman. Nakaka-excite ang pagdiscover sa mga bagay-bagay.
Pag nasugatan, iyak, Betadine at Band-Aid lang ang katapat. Pag inapi, si Kuya o Ate lang ang katapat. Pag walang pera, si Nanay o Tatay lang ang katapat. Pag nagkamali, eraser lang sa dulo ng Mongol ang katapat. Tapos, pwede na ulit tumawa.
Marami akong pagkakamali sa buhay ko at pwedeng hindi lahat yun ay mabubura ng eraser sa dulo ng Mongol.
Kapag nauubusan na ako ng panggastos, hindi naman ako basta-basta nalang makakahingi sa mga magulang ko. Nakakahiya na kasi.
Pag inapi ako, kailangan ko nang bumangon at ipagtanggol ang sarili ko. Pag nasugatan, andyan ang Betadine at Band-Aid pero pag mas malalim, pwede pa rin namang umiyak. Pero pag mas malalim pa dun, madalas mas marami pang iyak ang kailangan. Tapos, pwede na ulit tumawa.
Nung isang gabi ay naisip ko lahat ng mga kapalpakan ko sa buhay. Naitanong ko sa sarili ko kung ano kayang nangyari kung sakali mang ibang choices at daan ang tinahak ko. Aminado akong marami akong pagkakamaling nagawa.
Nang oras na iyon, nag-wish ako na sana may blackboard sa harapan ko at doon ko isusulat lahat ng mga iyon tapos buburahin ko nalang para malinis na ulit. Nakaka-guilty kasi. Nakakalungkot din.
Kahit gaano ko pa subukang magpakabait at bumawi, hindi naman lahat ng kalaro ko sa playground na ito, pare-pareho. Marami sa kanila ang nasaktan ko ng sobra. Marahil ang iba sa kanila, sadyang hindi na makakalimot… o baka matagalan pa. Ang mas mahalaga, napagsisihan ko na.
Sabi nga nila, unahin mo muna din daw na patawarin ang sarili mo. Susubukan kong palaging hindi na iisipin kung sino man sa amin ang tama at mali. Ang mahalaga, maging mapayapa at masaya.
Napatawad ko na si Manong Guard.
Ang buhay ay tungkol sa pagpapatawad.
Mabuti nalang at ang Diyos, mapagpatawad.
“Come now, let us reason together,” says the LORD.
Though your sins are like scarlet,
they shall be as white as snow;
though they are red as crimson,
they shall be like wool.”
Isaiah 1:18